Palaisipan ngayon sa mga military experts ang uri ng drone o unmanned aerial vehicle (UAV) na ginamit sa pag-atake sa pinakamalaking oil facility sa Saudi Arabia na Saudi Aramco.
Maging ang kilalang retired US army general na si Mark Hertling at retired Admiral John Kirby ay napabilib sa accuracy ng ginamit na drones na tumama sa 19 na targets upang iparalisa ang anim na porsyento na produksiyon ng planta para sa buong mundo.
Ito ay katumbas ng 5.7 million barrels per day na oil supply.
Sinasabing pagkabigong ma-detect ng radar ng Saudi ang drones ay nagpapakita lamang kung gaano na ka-high-tech o moderno ang ginamit na armas.
Dahil dito nababahala ang ilang analysts kung totoo ba talaga na nanggaling sa Iran ang pag-atake.
Ito ay kasunod na rin ng babala ni US President Donald Trump na meron na silang impormasyon kung sino ang nasa likod kaya naman “locked and loaded” na raw ang kanilang missile upang gumanti sa umatake sa oil facilities.
“Saudi Arabia oil supply was attacked. There is reason to believe that we know the culprit, are locked and loaded depending on verification, but are waiting to hear from the Kingdom as to who they believe was the cause of this attack, and under what terms we would proceed!,” ani Trump.
Ayon pa sa mga analysts, kung totoo raw na ang mga Houthis ang umatake sa Saudi batay sa kanilang pag-ako, hindi na ito nakakapagtaka dahil basi sa impormasyon, ang Iran ang nagbibigay ng anti-tank missiles, ballistic missiles, iba’t ibang klase ng armas maging ang cruise missiles at suicide drones na pwedeng maging cruise missiles.
Ang Iran ay kilala sa rehiyon bilang “ballistic missile powerhouse.”
Sinasabing noon pa man ang kanilang mga cruise missiles o maging ang land-attack cruise missiles ay napupunta sa mga terorista, maging sa mga Hezbollah sa Lebanon at sa mga Houthis sa Yemen.
Sa ngayon wala pa umanong ebidensiya na ang pag-atake ay nagmula nga sa Yemen.
Ito rin naman ay sinusugan ni US Secretary of State Mike Pompeo.
“Tehran is behind nearly 100 attacks on Saudi Arabia while Rouhani and Zarif pretend to engage in diplomacy. Amid all the calls for de-escalation, Iran has now launched an unprecedented attack on the world’s energy supply. There is no evidence the attacks came from Yemen.”
Lumutang na rin ang isyu at meron pa umanong video na nagsasabi na ang drone strikes sa Saudi ay nanggaling sa Iraq.
Kung nagkataon, ang dapat daw masisi ay ang Iran-backed Shiite militias sa Iraq na bahagi ng proxy war sa Middle East.
Isa namang senior administration official sa Amerika ang nagsabi na batay pa rin sa Saudi intelligence, posible raw na ginamit ay pag-atake ay cruise missile.
Gayunman ang impormasyon na ito ay hindi pa kinukumpirma ng Amerika.
Nitong unang bahagi ng taon, iniulat ng UN experts’ panel ang deployment ng mga Houthis rebels ng long-range drones na maaaring umabot sa gitna ng Saudi Arabia at United Arab Emirates.
Ang maximum range raw ng ganitong uri ng drone system na tinaguriang UAV-X ay aabot ng 740 hanggang 930 miles o kaya nasa 1,200 kms at 1,500 kms depende sa kondisyon ng hangin.
Ang distansiya naman ng mga Houthi-held parts sa Yemen hanggang Abqaiq sa Saudi ay aabot umano sa 800 miles o katumbas ng 1,300 kms.