Kinalampag ng isang political analyst ang mga kongresista na alamin ang dedikasyon sa trabaho ng mga speaker-aspirant para sa 18th Congress sa pamamagitan nang pagsilip sa attendance ng mga ito.
Sinabi ni Prof. Ranjit Rye na dapat isaalang-alang ng mga boboto sa speakership race ang worth ethic ng bawat kandidato sa naturang posisyon sapagkat dito aniya makikita ang personalidad at potensyal ng mga ito.
Ayon kay Rye, huwag na raw tingnan ang dami ng batas na ipinapanukala at tingnan muna ang attendance ng bawat speaker-aspirant dahil kung pala absent naman daw ito ay siguradong bagsak din ito sa performance.
Sinabi ng naturang political analyst na sa kanyang pagkaka-alam, isa si Marindque Rep. Lord Allan Velasco sa minsan lamang makita sa session ng Kamara.
Kinumpirma rin ito ng isang mambabatas na tumanggi nang magpabanggit ng pangalan.
Batay sa 16th Congress Attendance na nakapaskil sa website ng Kamara, dalawa lamang ang pinasukang sesyon ni Velasco sa Third Session ng 16th Congress.
Nabatid na bukod kay Velasco, isa rin si dating House Speker Pantaleon Alvarez sa speaker-aspirant na ‘di na rin gaanong dumadalo sa sesyon ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito ay matapos na palitan naman siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pagka-Speaker.
Gayunman, sa ngayon ‘di pa matukoy ang official attendance nina Velasco at Alvarez sapagkat hindi pa nailalabas ang attendance sheet ng 17th Congress.