Inungkat ni Atty. Chel Diokno sa pagdinig ng mataas na kapulungan ng Kongreso sa war on drugs ang terminolohiyang ginagamit ng pulisya sa mga ikinakasa nitong anti- ilegal drug operations sa naturang panahon.
Partikular na tinukoy ng human rights lawyer ang terminolohiyang ‘negate’ at ‘neutralize’.
Iginiit ni Diokno sa Senate blue ribbon subcommittee na ang kahulugan nito sa Philippine National Police ay pagpatay o pinatay.
Makailang ulit aniyang ginamit ng pulisya ang termino o salitang ito sa mga police reports na may kinalaman sa project double barrel ng PNP.
Kaagad namang dumipensa si Senador Ronald Bato Dela Rosa na noon ay Hepe ng Pambansang Pulisya.
Ayon sa Senador, ang pagkakapatay sa mga drug suspect ay para protektahan ang sarili ng mga pulis kapag ito ay manlaban.
Sinabi naman ni PNP chief Archie Gamboa matapos na matanong ito ng komite na hindi naman nangangahulugan na kapag sinabing ‘neutralize’ ay pagpatay kaagad.