Hindi pinalagpas ni International Criminal Court (ICC) assistant to counsel, Kristina Conti ang naging komento ni VP Sara na ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC ay hindi magtatagumpay dahil sa kakulangan ng ebidensiya at kawalan ng mga partikular na pangalan sa tinatayang 30,000 biktima ng drug war sa nakalipas na administrasyon.
Sagot ng batikang abogado, isang ‘simplistic’ view ang inilabas ng pangalawang pangulo at malaki sana ang kaniyang oras at pagkakataong mai-angat ang lebel ng diskusyon ukol sa ICC nang hindi lamang umiikot sa naturang konteksto.
Inihalimbawa ni Atty. Conti ang kasong Prosecutor v. Bemba noong 2016 at Prosecutor v. Ntaganda noong 2019.
Paliwanag nito, sa dalawang nabanggit na kaso ay napagtibay na ang widespread o malawakang pag-atake ay hindi lamang natutukoy sa pamamagitan ng victim identification o pagkilala sa mga biktima kungdi sa pamamagitan ng malawakan, malimit, at sistematikong pag-target sa mga sibilyan.
Tinukoy din ni Conti ang kaso noon ni Jean Paul Akayesu mula sa Rwanda, kung saan naglabas ang korte ng conviction para sa kaniyang kasong crimes against humanity sa kabila ng tatlong partikular na murder cases lamang ang direktang natukoy na kinasangkutan ng akusado.
Ayon kay Atty. Conti, ikinukunsidera ng korte na may malawakang pattern o sistema ng mga karahasan.
Giit pa ng abogado, inaasahan niya ang mas matalino at ‘sophisticated’ na diskurso mula sa kampo ng dating pangulo, lalo na kung ikukunsidera ang aniya’y perang ginagamit ng naturang kampo para sa kanilang abogado.
Una nang binatikos ni VP Sara ang mga ulat na umaabot sa 30,000 ang bilang ng mga napatay sa kontrobersyal na drug war at iginiit na ang 181 na piraso ng ebidensiya na unang iprinisenta ng prosecution ay hindi sapat upang patunayan ang umano’y extrajudicial killings na nangyari sa naturang kampaniya.