![image 60](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/06/image-60.png)
Pormal nang itinalaga ngayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Atty. Gilberto Teodoro Jr. bilang kalihim ng Department of National Defense (DND) at Dr. Teodoro Herbosa bilang kalihim ng Department of Health (DOH).
Si Teodoro ay may malawak na karanasan sa parehong pribado at pampublikong sektor.
Naglingkod siya bilang tatlong termino sa Kongreso, na kumakatawan sa Tarlac, at dati ay humawak na rin sa kaparehong posisyon noong Arroyo administration.
Sa nasabing panahon siya ang naging pinakabatang humawak ng posisyon sa edad na 43.
Inako rin niya ang tungkulin bilang pinuno ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang kalihim ng depensa.
Si Teodoro ay nagtapos ng Bachelor’s degree in Commerce, Major in Financial Institutions mula sa De La Salle University – Manila.
Higit pa rito, natapos niya ang kanyang degree sa abogasya at nagtapos na topnotcher ng kanyang klase sa Unibersidad ng Pilipinas.
Nakamit niya ang pinakamataas na ranggo noong 1989 Philippine Bar Examinations.
Ipinagpatuloy niya ang kanyang legal na edukasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng Master’s degree sa Law mula sa Harvard University.
![image 61](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/06/image-61.png)
Samantala si Herbosa naman ay may malawak na karanasan at kadalubhasaan sa mga sistema ng pangangalagang pangkalusugan.
Nakuha niya ang kanyang degree sa medisina mula sa Unibersidad ng Pilipinas Manila at may hawak na bachelor’s degree sa Biology mula sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.
Kasama rin sa background ng edukasyon ni Dr. Herbosa ang isang International Diploma Course sa Emergency and Crisis Management mula sa University of Geneva at Postgraduate Studies in Medicine mula sa Sackler Faculty of Medicine, Tel Aviv University.
Dati siyang nagsilbi bilang Undersecretary sa Department of Health mula 2010 hanggang 2015 na nag-ambag sa iba’t ibang mga hakbangin tulad ng Hospital Accreditation Commission, Modernization of the Philippine Orthopedics Center at pagtataguyod ng Public-Private Partnerships in Health.
Hawak din niya ang mga posisyon ng dating Undersecretary at kasabay na Regional Director sa DOH-National Capital Regional Office.
Mula Oktubre 2017 hanggang Abril 2021, nagsilbi si Herbosa bilang Executive Vice President ng University of the Philippines System.
Nagkaroon siya ng iba’t ibang mahahalagang posisyon, kabilang ang chief division of trauma sa Department of Surgery, Philippine General Hospital, chairman ng board for Physicians for Peace Philippines at 3rd Vice President ng UP Alumni Association.
Si Dr. Herbosa ay mula sa lahi ni Lucia Rizal Herbosa na kapatid ni Dr. Jose Rizal.
Ang mga appointment ay inihayag matapos makipagpulong si Pangulong Marcos kina Teodoro at DND Senior Undersecretary Carlito Galvez, Herbosa at Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire sa MalacaƱang nitong Lunes.