Hinikayat ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang pamahalaan ng Qatar na magpakita ng maximum tolerance sa mga Pilipinong naaresto sa naturang bansa kamakailan.
Una nang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, 20 Pinoy ang naaresto kung saan napalaya na ang isa habang 19 ang nananatili sa kustodiya ng Qatar police station.
Giit ni Roque, ipinapakita lamang nila ang kanilang pagmamahal kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang naka-detene sa The Hague.
Dagdag pa ng dating Duterte appointee, hindi lamang umano nila matanggap ang katotohanang nasa The Hague na ang dating pangulo bilang preso ng mga Westernern authorities.
Samantala, tiniyak naman ng prosecution na ang mga demonstrasyon at mga rally na isinasagawa ng mga Duterte supporter ay hindi makaka-apekto sa paggulong ng kaniyang kinakaharap na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court(ICC).
Marso-28 nang isinagawa ang global tribute para sa dating pangulo kasabay ng kaniyang ika-80 kaarawan.
Maliban sa mga inorganisang prayer rally at motorcade sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas, isinagawa rin ang mga ito sa iba pang bansa sa tulong ng mga Pilipinong patuloy na sumusuporta sa dating pangulo.
Maging ang mga Pilipino sa Europa ay nag-organisa rin ng pagtitipon sa harapan ng International Criminal Court upang ipagdiwang ang kaarawan ng dating pangulo at ipakita ang kanilang suporta sa kaniya.