Namataan nito lamang Setyembre, si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa dalawang lugar sa Mindanao, ayon sa Philippine National Police (PNP)
Pero ayon kay PNP PIO chief at spokesperson PBGen. Jean Fajardo, sa tuwing pinupuntahan na aniya ito ng awtoridad ay nakakalusot kaya hindi maaresto.
Palipat lipat daw ng lugar si Roque dahil bago pa man aniya ito namataan sa Mindanao, ay may nakakita na rin daw dito sa Region 3 at Calabarzon.
Ani Fajardo, bagamat tinututokan nila ang parteng Mindanao, tuloy-tuloy aniya ang kanilang paghahanap kay Roque sa lahat ng sulok ng bansa.
Sa ulat din daw kase ng Bureau of Immigration (BI), hindi pa nakakalabas ng Pilipinas si Roque.
Samantala, babala naman ng pambansang pulisya sa mga tumutulong sa pagtatago ni Roque o sa mga nagkakanlong dito, sinisiguro aniya nilang kakasuhan ang mga ito ng obstruction of justice.
Matatandaan na pinaghahanap si Roque dahil na-cite in contempt ito ng Quad Comm ng Kamara noong Setyembre 13 matapos tumangging magsumite ng mga dokumentong magpapaliwanag sa kanyang biglang pagtaas ng yaman.
Pero ayon kay Roque “power tripping” lang ang quad comm kaugnay ng arrest order sa kaniya at sa umano’y kaugnayan niya sa mga iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operators (POGO).