-- Advertisements --

Muling binatikos ni Atty. Harry Roque ang Tri-Committee ng Kamara de Representantes kasunod ng pagkakadawit niya sa lumabas na ‘polvoron video’ nitong nakalipas na taon.

Maalalang lumabas ang naturang video noong July 22, 2024, isang araw bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr kung saan ipinapakita rito ang kawangis ng pangulo na mistulang naghihithit ng isang white substance, ngunit kinalaunan ay kinumpirma rin ng mga eksperto na ang naturang video ay peke at ginawa lamang sa pamamagitan ng Artificial Intelligence (AI).

Sa huling pagdinig ng Tri-Comm, tinukoy ng social media personality na si Vincent Cunanan na kilala sa tawag na ‘Pebbles’ ang dating presidential spokesperson na nasa likod ng kumalat na video.

Pero sa panibagong banat ni Atty. Roque, tinawag niya ang Tri-Comm bilang isang ‘scripted show’.

Pinabulaanan din ng dating Duterte appointee ang claim ni Cunanan at tinawag ito bilang pawang kasinungalingan at sabi-sabi lamang.

Maalalang sa naturang pagdinig ay ibinunyag din ni Cunanan ang umano’y pagyayabang ni Roque na kaya niyang pabagsakin ang isang gobiyerno.

Pero sagot ng dating kalihim, wala sa kaniyang kapangyarihan na pabagsakin ang isang gobiyerno o pamahalaan.

Giit ni Roque, ang kapalaran ni Pang. Marcos ay nasa kamay ng mga Pilipino at wala sa kaniyang kamay.