-- Advertisements --

Pinasinungalingan ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang online post na nagsasabing hindi pinaburan ang kaniyang asylum application sa The Netherlands.

Sa isang mensahe, tinawag ito ng dating kalihim bilang ‘fake news’.

Aniya, nananatili siyang bona fide asylum seeker sa naturang bansa, at hindi totoong tinanggihan ng Dutch Immigration and Naturalization Service ang kaniyang applikasyon. Ang naturang opisina ang nagpo-proseso sa mga asylum application.

Nakasaad sa online post na nasa Bremen City, Germany si Roque dahil tinanggihan ang kaniyang asylum application at kinailangan na niyang umalis sa The Netherlands. Bahagi ng naturang online post ay ang mismong larawan ng dating presidential spokesperson habang siya ay nasa Bremen.

Unang inihain ng dating kalihim ang kaniyang asylum application noong nakalipas na buwan at idinahilan ang umano’y political persecution na ginagawa sa kaniya dito sa bansa.

Maalalang lumutang si Roque sa The Hague, kasabay ng confirmation hearing ni dating Pang. Rodrigo Duterte na kasalukuyang nahaharap sa crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Bago nito ay huling natunton ang kinaroroonan ng dating Duterte appointee sa United Arab Emirates (UAE), kasunod na rin ng arrest order na inilabas ng Quad Committee ng Kamara de Representantes laban sa kaniya.