Buong pagpapakumbabang tinanggap ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang desisyon ng Korte Suprema.
Ito ay matapos tanggihan ng korte ang kaniyang hiling para sa writ of amparo o special protection order laban sa contempt at arrest order ng House Quad Committee na nangunguna sa pag-iimbestiga sa mga illegal POGOs, extrajudicial killing, at iba pang krimen sa ilalim ng nakalipas na Duterte administration.
Sa isang statement, sinabi ni Atty. Roque na umaasa pa rin siyang ipagpapatuloy ng kataas-taasang hukuman na tingnan o ikonsidera ang ilan sa kanilang petisyon kung saan naninindigan aniya silang hindi na in aid of legislation ang ginagawang imbestigasyon ng komite.
Umaasa din ang kampo ni Roque na maghahain ang Kamara de Representantes ng komento nito sa ibinigay na period ng korte para sa agarang pagresolba ng kaniyang petisyon.
Sa kasalukuyan, may arrest order ang House Committee laban kay Roque matapos ma-cite in contempt nang tumanggi siyang magsumite ng mga hinihinging dokumento para ipaliwanag ang biglaang paglobo ng kaniyang yaman na iniuugnay sa ilegal na operasyon ng POGO.