-- Advertisements --

Hindi pinalagpas ni Atty. Joel Butuyan ang naging pahayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na ang Office of the Solicitor General(OSG) ay hindi lamang government counsel kundi ito rin ay nagsisilbi rin bilang isang ‘tribune of the people’.

Ginawa ni Guevarra ang pahayag kasunod na rin ng panawagang magbitiw siya sa posisyon matapos tumanging kumatawan sa gobyerno ng Pilipinas at sagutin ang petisyong inihain ng magkapatid na Duterte sa Supreme Court.

Sa isang pahayag, kinontra ni Atty. Butuyan ang ‘tibune of the people’ statement ng SolGen at sinabing hindi ito totoo.

Sa halip ay tinawag ng abodago si SolGen Guevarra bilang ‘Tribune of a mass murderer’.

Binalikan din ng International Criminal Court (ICC)-accredited lawyer ang aniya’y ‘track record’ ni Guevarra mula noong italaga siya ni dating Pang. Rodrigo Duterte bilang kalihim ng Department of Justice.

Ayon kay Butuyan, nagbulag-bulagan ang dating kalihim sa libo-libong patayan na nangyari noon, at mistulang pagbibigay ito ng legal protection sa dating pangulo.

Dahil din aniya sa hindi pagpayag ni Guevarra na imbestigahan ang mga naturang patayan kaya’t napilitan ang ICC na pumasok na.

Si Guevarra ay nagsilbi bilang ikalawa at huling kalihim ng DOJ noong panunungkulan FPRRD. Pag-upo ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., tuluyang inappoint si Guevarra bilang SolGen.

Noong administrasyon ni dating Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III, nagsilbi rin si Guevarra bilang deputy executive secretary for legal affairs.