Bumwelta si Center for International Law (CenterLaw) president Joel Butuyan sa naging hakbang ng defense team ni dating Pang. Rodrigo Duterte na paghiling sa International Criminal Court (ICC) na limitahan ang uri ng mga valid ID na maaaring i-presenta sa korte bilang pagkakakilanlan ng mga drug war victims na maaaring iharap laban sa dating pangulo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Butuyan na ang panukala ng defense team ay mistulang nanggaling sa isang taong ignorante sa kung anong uri ng mga indibidwal ang napatay sa madugong drug war ng dating pangulo.
Ang hayagang pagpigil sa mga drug war victims na makibahagi sa trial laban sa dating pangulo, dahil lamang sa kakulangan ng akmang identification document, ay panibagong injustice para sa kanila.
Hinihiling ng defense team na limitahan ng Pre-Trial Chamber ang mga valid ID na tatanggapin bilang national ID o passport lamang.
Pero giit ni Atty. Butuyan, ang mga naturang uri ng ID ay parehong dokumentong pang-mayaman o para sa mga may kakayahan.
Ang mga ito aniya ay hindi available para sa mga biktima na matagal na panahong nasa kahirapan, na silang bumubuo sa maraming mga biktima ng kontrobersyal na drug war.
Dagdag pa ng batikang abogado, nawalan na ang mga biktima ng kanilang mahal sa buhay at kung tatanggihan pa silang kilalanin bilang mga biktima dahil lamang sa kawalan nila ng government-issued ID, ay lalo lamang pagpapahirap sa kanila, at panibagong inhustisya sa kanilang pamilya.