Itinanggi ng asawa ni Vice President Sara Duterte at abogadong si Mans Carpio ang mga alegasyon ni dating Customs intel officer Jimmy Guban na sangkot siya sa smuggling ng ilegal na droga.
Ayon kay Carpio, walang basehan at hindi totoo ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Kumpiyansa din si Carpio sa abilidad ng mga miyembro ng Kamara de Representantes na matukoy ang claims ni Guban na nagsasangkot sa kaniya at kay Davao City 1st district Cong. Paolo “Pulong” Duterte na pawang politicaly motivated lamang.
Nauna na ring sinabi ni VP Sara na itinuturing niya bilang political harassment ang mga alegasyon laban sa kaniyang asawa at kapatid.
Matatandaan na ibinunyag ni Guban na humarap bilang testigo sa pagdinig ng House Quad Committee sa Bacolor, Pampanga noong Agosto 16, na naatasan umano siyang ilabas ang mga kargamentong naglalaman ng ilegal na droga na umano’y pagmamay-ari nina Cong. Pulong, Mans Carpio at negosyanteng si Michael Yang.