Hindi kinumpirma o itinanggi ni Atty. Martin Delgra kung isa siya sa dalawang Pilipinong tutulong sa defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam kay Delgra sa The Hague Netherlands, natanong ang abogado kung bahagi ba siya ng defense team, ngunit hindi naman ito kinumpirma o itinanggi ng abogado.
Natanong din siya kung ano ang layunin ng kaniyang pagtungo mismo sa The Hague, sagot ng batikang abogado, bahagi lamang ito ng suportang ipapakita sa dating Pangulo ng Pilipinas.
Bago nito ay kinumpirma ng lead counsel ng defense team ng dating Pangulo na si Nicholas Kaufman, na mayroon ding Pilipino na magiging bahagi ng team na dedepensa sa dating Pangulo sa kaniyang kinakaharap na kaso sa International Criminal Court (ICC).
Ang naturang team ay bubuuin ng limang mga miyembro.
Iginiit naman si VP Sara Duterte na kailangan ng Pilipinong abogado sa defense team ng dating Pangulo upang siya ang mangunguna sa pagpapaliwanag sa mga batas ng Pilipinas sa ICC.
Sa huling panayam kay VP Sara bago siya tuluyang bumalik sa Pilipinas, hindi pa niya inilabas ang pangalan ng Pilipinong magiging bahagi ng team.
Una na ring kinumpirma ng Pangalawang Pangulo na hindi magiging bahagi ng defense team si Atty. Harry Roque dahil magpopokus muna ang dating presidential spokesperson sa kaniyang asylum application sa Netherlands.
Sa kasalukuyan, si Kaufman ang nagsisilbing lead counsel ng dating Pangulo habang magiging associate counsel naman ang international criminal law expert na si Dov Jacobs na unang pinangalanan ngayong linggo.