-- Advertisements --

Binalewala lamang ni Atty. Harry Roque ang online petition na kumukuwestiyon sa kaniyang asylum application sa The Netherlands.

Maalalang nag-post ng online petition ang Filipino-Dutch na si Joel Vega kasunod ng kaniyang pagpapadala ng liham sa Immigration and Naturalization Service (IND) ng Netherlands na humihiling na tanggihan ang request ni Atty. Roque.

Katwiran ni Roque, ang isyu sa asylum application ay kung mayroong political persecution at hindi ito dinadaan sa anumang botohan.

Nanindigan din ang dating presidential legal counsel na papatunayan niya sa Netherlands na ang imbitasyon sa kaniya ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ay isang political persecution.

Una nang sinabi ng abogado na nag-apply siya ng asylum sa naturang bansa, matapos ang muli niyang paglutang noong humarap si dating PRRD sa Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC).

Pero katwiran ni Vega, si Roque ay matagal nang nasa loob ng Duterte political circle na kasalukuyan pa ring may mataas na impluwensiya sa pulitika sa Pilipinas.

Katwiran pa ni Vega, hindi biktima ang batikang abogado dito sa Pilipinas, at wala siyang sapat na basehan para sa kaniyang applikasyon. Ginagamit lamang aniya ng batikang abogado ang Dutch system upang takasan ang pananagutan dito sa bansa.

Sa kasalukuyan, nakalikom na ng ilang libong pirma ang naturang petisyon