Nanindigan si Atty. Harry Roque na hindi niya ipipilit ang kaniyang sarili na maging bahagi ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang Facebook Live session, sinabi ng dating presidential legal counsel na kung ayaw sa kaniya ni Vice President Sara Duterte ay mas pipiliin niya ang iba na kakatawan sa dating Pangulo, desisyon na aniya ito ng Pangalawang Pangulo.
Giit pa ni Roque na hindi niya ipipilit na maging bahagi siya ng legal team ng dating Pangulo, kahit pa hilingin ito ng nakakatandang Duterte.
Mahalaga aniya na i-endorso din siya mismo ni VP Sara at hilingin sa kaniyang tumulong.
Iginiit ng dating Duterte appointee na matagal na siyang ‘follower’ ni VP Sara, at susundin umano niya, anuman ang sasabihin ng Pangalawang Pangulo.
Una nang ibinunyag ni VP Sara na hindi magiging parte ng legal team si Atty. Roque, kasabay ng pagbuo ng legal team na dedepensa sa kaniyang ama.
Limitado lamang aniya ang slot para sa mga abogado na maaaring tutulong, at nais umano niyang lahat ng miyembro ng legal team ay pawang may karanasan sa ICC.
Una nang pinangalanan si Nicholas Kaufman bilang lead defense counsel ng dating Pangulo.
Sa hiwalay na panayam kay Kaufman sa The Hague, kinumpirma niyang mayroon pang limang miyembro ang binuong legal team kung saan isa rito ay isang Pilipino.