-- Advertisements --

Nagagalak si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na isa na siyang bonafide asylum seeker sa Netherlands matapos ang mahigit 6 na buwang pagtatago.

Ginawa ni Atty. Roque ang pahayag kasabay ng kaniyang pagdalo sa isang pagtitipon sa The Hague bilang selebrasyon ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Saad pa ni Roque na hindi na siya mapapadeport pabalik sa Pilipinas hanggang hindi natatapos ang kaniyang aplikasyon para sa asylum na aabutin aniya ng isa’t kalahating taon.

Ayon pa kay Atty. Roque, hindi na niya kailangang magtago nang magtago sa unang pagkakataon makalipas ang anim at kalahating buwang pagtatago mula nang isyuhan siya ng arrest order ng House of Representatives.

Matatandaan, humingi ng asylum si Atty. Roque sa Netherlands sa gitna ng inisyung arrest order ng Kamara laban sa kaniya dahil sa kabiguang dumalo sa pagdinig sa imbestigasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Gayundin bigong magbigay ng hinihinging mga dokumento si Roque para patunayan ang umano’y biglang paglobo ng kaniyang yaman na iniuugnay sa iligal na aktibidad ng POGOs.