Nahaharap si dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa disbarment case na inihain sa Korte Suprema ni dating cabinet secretary Atty. Melvin Matibag.
Pero tumanggi si Matibag na ibunyag ang mga detalye ng kaso, ngunit binanggit niya ang mga isyu na tinukoy laban kay Roque ay kasama ang kanyang mga pag-post sa social media, kabilang ang “polvoron” deepfake video na kinasasangkutan umano ng kamukha ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Una nang nagbabala ang eksperto sa pagdami ng paggamit ng deepfakes matapos ilabas ang pekeng video ni Marcos Jr.
Noong nakaraang Hulyo, sinabi ng mga opisyal na “deepfake” o digitally manipulated ang video na sinasabing nagpapakita ng gumagamit ng droga.
Sinabi nila na ito ay bahagi ng isang pagtatangka na i-destabilize ang gobyerno.
Itinanggi ni Matibag na ang disbarment case ay bahagi ng umano’y harassment efforts laban kay Roque, na bumabatikos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nahaharap sa contempt charges mula sa House of Representatives.
Sinabi ni Matibag na maaaring maglabas ang Korte Suprema ng jurisprudence kung paano dapat kumilos ang mga abogado lalo na sa social media.
Sinasabing wala pang partikular na kasong nadesisyunan ang hukuman na may kaugnayan sa paggamit ng deepfake video laban sa isang nakaupong pangulo ng bansa.