Sinagot ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang ibinunyag ni Prosecutor General Richard Fadullon na ang counter affidavit ni Atty. Harry Roque ay na-notarize sa Abu Dhabi.
Ayon kay Roque, nagtungo siya sa Abu Dhabi upang mismong magpa-notaryo ng kaniyang counter-affidavit. Ginawa umano niya ito mismo sa konsulada ng Pilipinas sa Abu Dhabi UAE.
Ayon kay Roque, inihain niya ang counter-affidavit upang pasinungalingan ang qualified trafficking complaint na inihain laban sa kaniya.
Nang matanong naman si Roque kung nasa Abu Dhabi pa siya, sinabi ng dating pres’l spokesperson na wala na siya sa naturang lugar.
Samantala, kung mayroon man aniyang nagdududa sa panig ng mga government agencies ukol sa kaniyang personal na panunumpa sa kaniyang affidavit, ipinayo ni Roque sa mga ito na tawagan na lamang ang konsulada ng Pilipinas sa naturang bansa.
Nasaksihan aniya mismo ni Philippine Ambassador to UAE Alfonso Ferdinand A. Ver ang kaniyang pagtungo roon at maaari rin umano niya itong makumpirma.
Tinanong din ng media si Roque kung mayroon siyang mga kuhang larawan na nagpapatunay na siya mismo ang naroon ngunit sagot ni Roque, wala siyang laraw.
Sa halip ay inirekomenda din nito ang konsulada ng bansa bilang patunay ng kaniyang personal na pagdalo.
Ang naging pahayag ni Roque ay kasunod na rin ng pagbubunyag ngayong araw ni Prosecutor General Fadullon ukol sa kinaroroonan ni Roque.
Ayon kay Fadullon, magsasagawa sila ng clarificatory hearing para kumpirmahin kung nasaan si Roque.