Agad sinagot ni dating presidential spokesperson Atty Harry Roque ang napaulat na disbarment laban sa kanya.
Ngayong araw ay inihain ni dating cabinet secretary Atty. Melvin Matibag ang disbarment laban kay Roque na kasama niyang nanilbihan sa gabinete ni dating PRRD: si Roque bilang presidential spokesperson, habang si Matibag ay bilang OIC Cabinet Secretary.
Bagaman hindi na idinetalye ni Matibag ang kaso, sinabi niyang ang mga dahilan na ginamit bilang basehan ay kinabibilangan ng kanyang mga pag-post sa social media, kabilang ang “polvoron” deepfake video na nagpapakita umano sa isang kamukha ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Batay sa statement na inilabas ni Roque sa kanyang official facebook page, sinabi niyang ang disbarment case laban sa kanya na nakabatay lamang sa polvoronic video ay isang ‘desperate’ na hakbang para makakuha ng atensyon.
Dagdag pa ni Roque na ang pag-post ng mga video sa social media ay pinoprotektahan ng free speech.
Binigyang diin ng abogado na ang polvoronic video ay isang national security issue na nakaka-apekto sa buhay at kinabuksan ng milyon-milyong Pilipino.
Ang authenticity o katotohanan sa likod ng video aniya ay nangangailangan ng malawakang diskusyon.
Giit ng dating presidential spokesman, pinuppulbos umano siya ng Quad Committee dahil sa polvoronic video. Ito ay ayon na rin aniya sa kanyang mga dating kasamahan sa Kamara.