Iniulat ng Bureau of Immigration na wala silang na-monitor na travel record ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na umalis ito ng Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ni Immigration spokesperson Commissioner Dana Sandoval nang matanong kung nasa Pilipinas pa rin si Roque.
Kasalukuyan ngang may arrest order ang House of Representatives laban kay Atty. Roque at idineklarang pugante ng House Quad Committee na nag-iimbestiga sa illegal operations ng POGOs, matapos na hindi matunton nang isilbi ang arrest order na nag-ugat makaraang i-cite in contempt si Roque noong Setyembre 13 dahil tumanggi siyang magsumite ng mga hinihinging mga dokumento para ipaliwanag ang biglaang paglobo ng kaniyang yaman na iniuugnay sa ilegal na POGO.
Ang kinukuwestiyon ng komite ay ang assets ni Roque sa ilalim ng kaniyang family company na Biancham Holdings and Trading na dati lamang may P125,000 na net cash noong 2014 hanggang sa lumobo sa P3.125 million noong 2015 at naging P67.7 million noong 2018.
Sa panig naman ni Atty. Roque, nanindigan siyang hindi siya pugante at inakusahan ang Kongreso ng power tripping kasunod ng contempt at arrest order laban sa kaniya dahil sa umano’y kaugnayan niya sa mga ilegal na operasyon ng POGOs.