Nanindigan si dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na may halong pulitika ang ginawang pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Panelo, walang ibang layunin ang ginawang pag-aresto kundi sirain ang mag-amang Duterte dahil si Vice President Sara Duterte ang pinakamalakas na kandidato sa susunod na presidential elections.
Binigyang-diin pa ng dating Duterte appointee na lahat ay gagawin ng kasalukuyang administrasyon upang mapigilan silang makatakbo sa susunod na halalan.
Sa ilang pagkakataon ay una nang nagpahiwatig si VP Sara ng kaniyang posibleng pagtakbo sa susunod na presidential elections (2028).
Gayonpaman, nakabinbin pa rin ang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo at inaasahang gugulong ang trial proper pagpasok ng susunod na Kongreso.
Kung tuluyan siyang matatanggal sa puwesto bilang bise-presidente, pagbabawalan na siyang humawak ng iba pang posisyon sa pamahalaan.
Una nang nanindigan ang administrasyong Marcos na ang pagtulong para tuluyang maaresto ang pangulo ay pagtupad lamang ng pamahalaan sa tungkulin nito bilang miyembro ng International Criminal Police Organzation.