Binatikos ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang plano ni Senator Imee Marcos na imbestigahan ang pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Una nang inanunsyo ng presidential sister ang naturang plano, kasabay ng pagtatakda sa pagsisimula ng imbestigasyon sa araw ng Huwebes, March 20.
Pero tinukoy ito ni Panelo na unnecessary, at isa lamang publicity para sa nalalapit na 2025 elections.
Tanong pa ng dating Duterte appointee, para saan pa ang isasagawang imbestigasyon? Kung ito ay kung alamin ang legalidad ng nangyaring pag-aresto, nagtapos aniya ang senadora sa pagka-abogasya at bagaman hindi siya abogado, alam umano niyang iligal ang nangyari.
Idinagdag pa ng batikang abogado na dati nang alam ng senadora na iligal ang nangyari kaya’t hindi rin umano siya sumama sa rally ng Alyansa dahil posibleng hindi niya ito masikmura, bagay na nagpapatunay aniyang batid ng presidential sister na iligal ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo.
Si Sen. Imee Marcos ay isa sa mga senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Gayunpaman, matapos maaresto ang dating pangulo ay pinili niyang hindi sumama sa rally ng naturang partido na isinagawa sa Tacloban City dahil hindi umano niya matanggap ang nangyari sa dating pangulo.