Nakahanda umano si Atty. Israelito Torreon na harapin ang kasong sedition na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa kaniya.
Kahapon nang pinangunahan ni CIDG Chief PBGen. Nicolas Torre III ang paghahain ng asunto sa Department of Justice, mahigit isang buwan mula noong natapos ang banggaan sa pagitan ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at Davao PNP na dating pinamumunuan ni Torre.
Isa sa mga nagsilbing basehan ng kaso ay ang umano’y panawagan ng mga opisyal at miyembro ng KOJC na mag-aklas at patalsikin na si PBBM sa kaniyang pwesto.
Sa panayam kay Atty. Toreon matapos ang paghahain ng kaso, sinabi niyang hindi na niya ikinagulat ang kasong inihain laban sa kaniya.
Giit ng abogado, matagal nang nagbabanta si Gen. Torre laban sa kanila kaya’t dati na nilang inaasahan ang mga serye ng kaso mula sa kaniya.
Ayon pa kay Toreon, hindi rin niya mawari kung saan at kailan siya nagbanggit ng mga salita na maikokonsidera bilang ‘inciting sedition’ dahil dinedepensahan lamang niya si Apollo Quiboloy bilang kaniyang kliyente.
Binigyang-diin naman ni Gen Torre na ilalabas nila ang lahat ng ebidensiya laban kina Torreon at mga kasamahan sa magiging paggulong ng kaso.
Marami aniya ang nalikom nilang katibayan na magpapatunay sa kanilang isinampang asunto laban sa grupo nina Torreon.
Sa kabuuan ay 13 indibidwal ang kinasuhan ni CIDG Chief Torre, ilan sa kanila ay mga John at Jane Does, o hindi pa nakikilalang indibidwal.