-- Advertisements --


KALIBO, Aklan—Nakadeploy na ang augmentation force sa bayan ng Malay, Aklan at sa isla ng Boracay mula sa 2nd Aklan Mobile Force Company upang magbantay sa mga turista, bisita at bakasyunista na unti-unti nang bumubuhos sa pagpasok ng Semana Santa.

Ayon kay PLt.Col Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station, katuwang nila ang lokal na pamahalaan at iba pang law enforcement agency upang makamit ang kaayusan at kapayapaan sa Holy Week.

Kaunay nito, maghihigpit sila sa mga may one day transaction na papasok sa isla batay sa ipinalabas na executive order ni Malay mayor Frolibar Bautista.

Susuriin nila ng husto ang mga identication card at iba pang dokumento na dala-dala ng mga indibidwal kung ito ba ay lehitimo bago papayagang makatawid sa Boracay.

Samantala, paalala ni PLt. De Dios sa mga gustong magnilay-nilay sa Boracay na sundin ang mga ipinapatupad na mga protocols dahil hindi nila sasantuhin ang mga indibidwal na may balak na masama na makaapekto sa bakasyon ng mga bisita at dayuhang turista.