-- Advertisements --

Sinentensiyahan na ng apat na taong pagkakakulong ang dating Myanmar leader na si Aung San Suu Kyi makalipas ang 10 buwan na house arrest mula noong Pebrero 2021 nang patalsikin sa pwesto sa inilunsad na coup deta’t ng military junta.

Pinatawan ng guilty ng Zabuthiri Court sa Mynmar ang 76-anyos na si Suu Kyi at sinentensiyahan ng tig-dalawang taong pagkakakulong sa kasong incitement at paglabag sa COVID-19 rules sa ilalim ng section 25 ng Disaster Management Law.

Nasa kabuuang 11 kaso ang isinampa laban kay Suu Kyi subalit lahat na ito ay kaniyang mariing itinanggi.

Kasamang naakasuhan ng apat na taong pagkakakulong ni Suu Kyi ang kaalyado nito at napatalsik na pangulo ng Myanmar na si Win Myint.

Hindi pa malinaw kung kelan isisilbi ang sentensiya sa dating Myanmar leader.

Kinondena naman ni Amnesty deputy regional drector for Campaigns Ming Yu Hah ang hindi makatarungang sentensiya kay Suu Kyi na patunay aniya ng determinasyon ng militar para tanggalin ang mga tumututol sa pamamahala sa ilalim ng junta at pagkitil sa kalayaan sa Myanmar.