Hindi pa man nagla-landfall o direktang tumatama ang Bagyong Auring, pinatikim na nito ang kanyang hagupit sa ilang lalawigan sa bansa.
Tulad na lamang sa report ng Bombo Radyo Butuan, kung saan halos umabot na sa bubong sa ilang mga lugar sa Barangay Quezon, Tandag City, Surigao del Sur, ang tubig-baha dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng Bagyong Auring.
Ayon sa residenteng si Leah Caduyac sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, nagpang-abot na ang tubig sa ilog at ang tubig sa kalsada na naging sanhi ng pagtaas ng lebel ng baha lalo na sa mga nakatira malapit sa tulay.
Ang ilang mga residente ay nagsabing ang kanilang mga gamit ay hindi naisalba dahil sa bilis ng pangyayari maliban lamang yaong may dalawang palapag na bahay, habang ang iba ay nagpapasilong din sa kanilang mga kamag-anak.
Sa katunayan, pati ang kanilang evacuation center ay binaha na rin.
Nasa 4,000 na rin ang apektadong pamilya na nailikas na sa mga identified evacuation centers.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development-Caraga, kabubuang 3,858 na pamilya o 14,233 individuals ang temporaryong nakikisilong at inaalagan sa 78 evacuation centers sa rehiyon.
Nasa 84 pamilya naman o 381 individuals ang piniling magpalipas sa kani-kanilang mga kaanak.
Umabot na rin sa 142 ang mga napinsalang bahay, isa ang totally damaged at 141 ang partially damaged.
Sa Agusan del Norte, apektado na rin ang mga fish cage sa bayan ng Nasipit matapos hampasin ng malalaking alon dulot ng Bagyong Auring.
Nakapagtala na ng mga pagguho ng lupa sa national highway sa Barangay Baleguian, at mga pagbaha sa Barangay San Pablo sa bayan ng Jabonga, Agusan del Norte.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Sherwin Puguso ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, patuloy nilang kini-clear ang daan sa tulong ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways-Caraga.
Nag-deploy na rin ang 29th Infantry Battalion, Philippine Army ng kanilang Disaster Response Teams upang tutulong sa mga apektado.
Samantala, sa latest bulletin ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) ngayong alas-5:00 Linggo ng hapon, huling namataan ang sentro ng Bagyong Ayuring sa layong 355 kilometers sa silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.
Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Taglay nito ang hangin sa lakas na 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugsong aabot sa 80 kilometro bawat oras.