-- Advertisements --

Nagpahayag ng lubos na pagkabahala ang Australia sa panibago nanamang agresibong aksyon ng China laban sa Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa Pinakahuling insidente ng pangbobomba ng water cannon ng mga tauhan ng China Coast Guard sa resupply vessel ng Pilipinas na Unaizah May 4 sa kasagsagan ng ikinasang nitong rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.

Matatandaan na ang naturang agresibong aksyon ng China ay nagresulta sa pagtatamo ng matinding pinsala ng tatlong tauhan ng Philippine Navy na lulan ng Unaizah May 4 nang mangyari ang nasabing insidente.

Sa isang statement, sinabi ni Australian Ambassador to the Philippines HK Yu na nababahala ang gobyerno ng Australia sa mga aksyon na ito ng China, kabilang na rin ang naging panghaharass nito sa mga barko ng Pilipinas noong Marso 5 at Marso 23, 2024.

Aniya, ang pattern ng ginagawa ng China ay maituturing nang deeply concerning na behavior ng nasabing bansa na naglalagay naman sa panganib sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon, buhay, at kabuhayan ng mga tao.

Dahil dito ay mariing tinututulan ngayon Australia ang mga mapanganib na aksyon ng nasabing bansa sa West Philippine Sea, tulad ng mga unsafe encounters sa katubigan at himpapawid, gayundin ang militarisation sa mga disputed features sa naturang lugar.

Kaugnay nito ay nanawagan ang Australia ng restraint, peace, at stability sa West Philippine Sea, kasabay ng pagbibigay-diin na walang legal na basehan sa ilalim ng 2016 Arbitral ruling ang mga claims ng China sa naturang teritoryo sa West Philippine Sea na nasasakupan ng exclusive economic zone ng Pilipinas.