Plano umano ng United States na palawigin pa ang kanilang military infrastructure sa Australia upang sumalamin sa mas matibay na presensya ng US miltary sa kabila ng tensyon na namamagitan sa US at China.
Ayon kay Australian Foreign Minister Marise Payne, binabalak ng Estados Unidos na bumuo ng adisyonal na military facility sa Darwin, Australia sa oras na aprubahan ito ng US Congress.
Hindi naman nagbigay pa ng karagdagang detalye si Payne tungkol sa imprastruktura ngunit ayon sa mga nauna nang reports, plano ng US na magtayo ng port facility na kayang mag-accommodate ng malalaking amphibious warships tulad na lamang ng landing helicopter docks ng Australia at American vessels.
Magiging daan din umano ang hakbang na ito upang direktang maging bakod sa impluwensya ng China sa naturang lungsod kung saan ang daungan dito ay pinaupahan sa Chinese company na Landbridge Group sa ilalim ng kontrobersyal na 99-year deal noong 2015.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, makakakuha umano ng 80% stake ang Landbridge sa nasabing daungan. Pagmamay-ari ng kumpanya ang ilang oil at gas assets sa Australia.
Ilang buwan matapos tagumpay na maisagawa ang agreement noong October 2015, inanunsyo umano ng Landbridge ang pagnanais ng Beijing na ilagay ang Darwin sa mapa ng mga Chinese business sa ilalim ng Belt and Road Initiative.