Naglabas ang Australian government ng isang travel advisory upang paalalahanan ang mga mamamayan nito na mag-ingat sa pagbiyahe sa Pilipinas, lalo na kapag magtutungo sa Mindanao.
Ito ay dahil na rin sa umano’y mga ‘security risks’ sa naturang rehiyon, tulad ng mga banta ng terorismo at mga serye ng karahasan.
Nakasaad sa naturang advisory na lumalala ang banta ng mga demonstrasyon at civil unrest dahil sa ilang serye ng mga pangyayari.
Dahil dito, pinapaalalahanan ng pamahalaan ng Australia ang mga mamamayan nito na iwasang magtungo o makibahagi sa mga protesta at mga malalaking pagtitipon dahil posibleng magiging bayolente ang mga ito.
Ibinabala rin dito ang posibleng banta sa mga transport at essential service, kaya’t ipinapayong sundin ang guidance ng local authorities.
Binigyang-diin din sa advisory na may banta ng pag-atake sa mga public area tulad ng mga paliparan, hotel, shopping mall, restaurant, simbahan, at iba pang malalaking tourist area.
Kabilang sa mga lugar na partikular na tinukoy ay ang central at western Mindanao, kasama na ang Zamboanga Peninsula, Sulu, at Southern Sulu Sea kung saan mataas umano ang banta ng terorismo at pangingidnap.
Una nang naglabas ang U.S. Embassy na nakabase sa Pilipinas ng kaparehong advisory limang araw bago ang advisory ng Australia.
Tinukoy din sa advisory ng U.S. ang umano’y banta ng kidnap for ransom activities sa ilang mga lugar sa Western Mindanao tulad ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay.