-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umaabot na sa 2,676 ang nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Australia.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Denmark Suede, nurse sa Westmead Hospital sa New South Wales, sinabi nito na maliban sa tumaatas na kaso ng COVID-19, umabot na rin sa 11 ang namatay sa nasabing virus.

Ayon kay Suede, dahil federal government ang Australia, kaniya-kanya ang pagpapatupad ng lockdown bilang preventive measure.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang klase sa mga paaralan ngunit may option naman ang mga magulang na hindi na papasukin ang kanilang mga anak bagkus mag home study na lamang.

Ang New South Wales ayon kay Suede ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 ngunit nakikipagtulungan sa gobyerno ang mga residente para sa mabilis na contact tracing.

Nagbabala rin ang state government na kung magpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19, susunod ang Australia sa yapak ng Italy.

Bago pa man ang COVID-19 pandemic, may stockpile na ng personal protective equipment at antibiotic ang Australia.

Napag-alaman na ang hospital na pinagtatrabahuan ni Suede ay ang referral hospital sa Sydney para sa COVID-19 patients.