Pinatikim ng Australia sa U.S. men’s basketball team ang kauna-unahan nitong pagkatalo sa loob ng halos 13 taon nang magapi nila ang American cagers, 98-94, sa isang exhibition game bago ang FIBA World Cup.
Huli kasing nakalasap ng pagkabigo ang Team USA sa major international tournament o exhibition noong 2006 world championship semifinals kontra sa Greece.
Nagbuhos ng 30 points si Patty Mills para sa Boomers, na bumangon mula sa 10 puntos na deficit sa second half.
Dahil dito, tinuldukan na rin ng Australia ang kanilang 78-game losing streak sa Team USA, na pinakamahaba sa kasaysayan ng koponan.
Umalalay din para sa Boomers si Joe Ingles na nagpakawala ng 15 points.
Sa panig naman ng Team USA, sumandal ang mga ito kay Kemba Walker na may 22 points, at kay Harrison Barnes na umiskor ng 20.
Hindi naman naglaro si Kyle Kuzma dahil sa iniinda nitong pamamaga sa kanyang kaliwang bukong-bukong.