BUTUAN CITY – Sasali sa unang pagkakataon ang Australian Defence Force sa live fire exercises ng 38th Balikatan Exercises sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas ngayong Abril a-11 hanggang 28.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Bombo international correspondent Denmark Suede direkta mula sa Australia, na ipapadala ng Australian government ang 111 nilang mga sundalo para sa gaganaping land exercises at hindi sa naval exercises upang maibahagi ang kanilang kaalaman sa close quarter combat.
Ayon pa kay Suede, nag-upgrade na sa kanilang gamit panggiyera ang Australia bilang paghahanda sa kahit na anumang pang-aatake lalo na’t kanilang nakita na malaking hamon ng Pilipinas ang China.
Sa ngayo’y bumili ang Australian government ng Tomahawk missile at 13 mga submarines na nagkakahalaga ng 378-bilyong dolyar.
Dahil dito’y ang Australia na ang pangpitong bansa na mag-o-operate ng nuclear powered submarine.