-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Tiniyak ng Australian government ang pagbibigay ng tulong sa mga kaanak ng isang Aussie na nakabilang sa 68 namatay sa bumagsak na eroplano sa Pokhara city sa Nepal.

Ayon kay Denmark Suede ang Bombo International News Correspondent sa Australia, kinumpirma na ng Embahada ng Australia na isa sa kanilang mga residente ang nakabilang sa mga namatay sa insidente, subalit hindi pa isinasapubliko ang pagkakakilanlan nito bilang pagrespeto sa mga kapamilya.

Nakikipag-ugnayan na ang Australian embassy sa mga otoridad ng Nepal at sa Yeti Airlines upang makilala ang bangkay ng biktima at maiuwi ito sa kanilang bansa.

Maliban sa Australia, limang Indian, apat na Russian at dalawang Korean rin ang nasawi sa insidente habang inaalam pa ang nasyunalidad ng ibang biktima.

Nabatid na matagal ng nagpatupad ng ban ang European Union sa pagsakay sa mga eroplano ng Nepal dahil sa hindi magandang rekord nito na madalas na nagkakaroon ng mga aksidente.