Hinarang ng Bureau of Immigration o BI ang pagpasok sa bansa ng isang Australian-American national na wanted sa US dahil sa iba’t ibang kaso ng sex offenses.
Nagpositibo ang 54 anyos na kinilalang si Robert David Fenton sa Interpol derogatory system kung saan nakalathala na siya ay may red notice dahil sa sex crimes nito sa US.
Ayon kay BI-Interpol unit acting chief Jaime Bustamante, wanted sa korte sa US si Fenton dahil sa kasong aggravated indecent assault laban sa isang menor de edad.
Bukod dito, kinakaharap pa nito ang iba’t ibang kaso sa Amerika gaya ng corruption of minors and indecent assault at statutory sexual assault laban sa iba pang mga menor de edad.
Sa pahayag ng BI, nagtangkang pumasok sa bansa si Fenton noong Abril 14 mula sa flight na nanggaling sa Brisbane, Autralia.
Ikinatuwa naman ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pagkakaharang kay Fenton dahil saklaw aniya ng kanilang ahensiya ang kampanya laban sa pagpasok ng mga sexual predator sa bansa dahil maituturing umano itong panganib sa mga bata at kababaihan ng ating bansa.