Nangangamba ang mga eksperto na madadagdagan pa ang mga namamatay na pilot whales o balyena matapos ma-stranded ang nasa 470 sa dalampasigan ng Australia.
Una rito nasa 380 na pilot whales na ang mga nangamatay sa bahagi ng Tasmania nitong nakalipas na araw.
Ang pagkapadpad ng daan-daang mga balyena ang itinuturing ngayon na “largest-ever mass stranding” sa Australia.
Sinasabing ilang dosena na lamang ang kayang maisalba pa ng mga conservationists.
Ayon kay Tasmania Parks and Wildlife Service manager Nic Deka, umaabot na rin sa 88 ang kanilang nailigtas pero inaasahang madadagdagan pa ang mga namamatay.
Ilan aniya sa mga nanghihina na pilot whales ay maaring patayin na lamang o kaya isailalim sa mercy killing.
Sa ngayon puspusan ang may 60 katao na nagtutulungan na maisalba ang may 20 pang naghihingalo na mga balyena.
Bagamat hindi na bago ang mass stranding ng mga balyena, palaisipan pa rin sa mga eksperto kung bakit nangyayari ito.
“Marine conservation experts have now refloated and released about 88 whales to date from the mass stranding in Tasmania’s west coast,” bahagi pa ng statement ng Tasmanian parks. “Rescue efforts will likely continue tomorrow at Strahan, with the priority remaining on the estimated 20 whales still viable for rescue.”