Pinalawig pa ng Austria ang ikatlong COVID-19 lockdown sa kanilang bansa hanggang sa buwan ng Pebrero.
Ayon sa mga opisyal, layon nilang magbukas muli sa Pebrero 8 ang mga shops, museums, at personal services gaya ng hairdressers.
Habang ang catering at tourism sectors ay sarado pa rin hanggang Marso.
Mananatili namang bukas ang mga ski lifts, habang tuloy na ang face-to-face classes sa mga paaralan pagkatapos ng semester break sa susunod na buwan.
“We have two to three hard months ahead of us,” wika ni Chancellor Sebastian Kurz.
Ang Austria, na may populasyon na 8.9-milyong katao, ay nasa ilalim na ng ikatlong lockdown kung saan tanging mga essential shops lamang ang bukas.
Sa pinakahuling datos, nasa halos 390,000 na ang mga coronavirus cases sa bansa, at 7,000 na ang mga namatay dahil sa deadly virus mula nang magsimula ang pandemya noong nakaraang taon.
Hindi naman isinasara ni Kurz ang posibilidad na palawigin uli ang lockdown sakaling tumaas pa lalo ang mga kaso sa kanilang bansa. (Reuters)