Ibinunyag ng Department of Migrant Workers na nangangailangan ang bansang Austria ng mas maraming Filipino skilled workers kasabay ng pagdiriwang ng Philippine-Austria Friendship Week ngayong linggo.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, ang naturang pagdiriwang ay hindi lamang selebrasyon ng pagkakaibigan ng dalawang bansa bagkus ay isang hakbangin upang mapalakas pa ang kolaborasyon nito partikular na sa pag-deploy ng mga propesyunal na Pilipino at skilled workers.
Ito rin aniya ang magiging daan para masiguro ang ligtas at etikal na recruitment ng mga Pilipino sa Austria gayundin ang proteksyon ng mga karapatan, seguridad, at well-being ng mga OFW.
Nais umanong tumanggap ng Austria ng 500 Pilipino taon-taon at kasalukuyan ng inaayos ang pagsisimula nito.
Ani Cacdac, sa kasalukuyan ay mayroon ng 5,000 na Pilipinong nagtatrabaho sa Austria na karamihan ay nasa industriya ng hospitality, food service, at healthcare.
Inanunsiyo rin ng kalihim na magbubukas na ang Migrant Worker’s Office sa Vienna, Austria sa third quarter ng taon upang matugunan ang pangangailangan ng dumaraming OFW sa naturang bansa.