Umaasa pa rin ang isa sa may-akda ng Anti-Palo Bill na babaliktarin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pananaw nito ukol sa nasabing panukala.
Matatandaang hinarang ng pangulo ang nasabing bill sa pamamagitan ng kaniyang veto power.
Ayon sa author nito sa Kamara na si Rep. Bernadette Herrera-Dy, ikinalungkot nila ang kinahantungan ng Positive and Non-Violent Discipline of Children bill, dahil nasayang ang mga ginawang pagdinig at konsultasyon ukol dito.
Pero may dalawang paraan pa naman umano para mabago ang kapalaran ng panukala, kabilang na ang kusang pagbaliktad ng presidente sa kaniyang veto o kaya naman ang 2/3 na boto mula sa mga miyembro ng Kongreso.
Gayunman, mahirap na umanong mangyari ang na makakuha ng sapat na bilang ng mga kongresista dahil naka-break ang sesyon at malapit na ang campaign period para sa local level, habang ang iba sa kanila ay tatakbo na bilang senador o ibang posisyon.
Nanindigan naman si Herrera-Dy na hindi kailangan ang literal na pagpalo para madesiplina ang mga bata dahil marami namang non-violent action.