-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinondena ng Sorsogon Police Provincial Police ang pagpaslang sa isang dating CAFGU member sa loob ng isang cockpit arena sa Brgy. Ogod, Donsol, Sorsogon.

Pinaniniwalaang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang bumaril-patay sa biktima na kinilalang si Walter Ricafort na residente ng Brgy. Pangpang sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Sorsogon PNP, nabatid na iihi lang sana si Ricafort malapit sa isang puno ng saging sa loob ng Galeria De Guzman nang dumating ang mga hindi nakilalang salarin.

Armado ang mga ito ng short firearms na walang habas na ipinutok sa likurang bahagi ng katawan ng biktima.

Nagtamo ng maraming tama si Ricafort na nagawa pang isugod sa pagamutan subalit binawian rin ng buhay.

Patuloy pang kinikilala ngayon ng mga otoridad ang mga suspek na sangkot upang masampahan ng kaukulang kaso at maaresto.