Inanunsiyo ng Commission on Elections (COMELEC) na sisimulan ng i-deploy ang mga Automated Counting Machines (ACMs) sa Abril 4. Sa kabuuang bilang ng mga makina na 110,000, ang 94,000 dito ang mga ipapadala sa iba’t ibang bahagi ng bansa, samantala ang 16,000 naman na mga makina ay magiging reserba o contingency machines.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, ide-deploy nila ang mga reserbang makina sa mga may malalaking bilang ng mga botante. Bukod pa rito, magkakaroon din ang poll body sa buong bansa ng 110 na repair hubs upang maayos agad ang mga makina kung masira man sa kalagitnaan ng eleksyon.
Kaugnay pa nito, gagamit din ang komisyon ng 7,000 na mga Starlink satellites para sa mga malalayong lugar na nahihirapan makasagap ng internet. Ito ay para matiyak na matatransmit kaagad ang mga election results.