KORONADAL CITY – Ipinakilala ng isang highschool teacher ang isang kakaibang machine na makakatulong umano sa pagpapababa ng kaso ng coronavirus na binansagang covid-19 disinfecting misting machine (DMM).
Ayon sa inventor nito na si Engr. Louie Joy Palete sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, layunin nitong ma-disinfect ang isang indibidwal sa pamamagitan ng otomatikong pag-spray sa pagtayo lamang sa harap nito.
Tumatagal ang pag-spray ng naturang device sa loob ng 2.5 segundo.
Dagdag ni Palete, na halos lahat ng mga components nito ay mula lamang sa mga simpleng bagay katulad ng water jug, gripo, at tubo.
Habang nagmumula naman ang mga primary components nito katulad ng sensor mula sa Manila kung saan nagkakahalaga ang mga ito ng P4,000 bawat isa.
Sa ngayon ay inilagay na ito sa bawat checkpoint sa lungsod ng Koronadal kung saan napapakinabangan ito ng mga motorista na dumadaan sa mga checkpoints.