KALIBO, Aklan — Hinihintay ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan ang ipapalabas na autopsy report ng Philippine National Police upang matukoy ang naging sanhi ng pagkamatay ng pitong miyembro ng Boracay Dragon Force team kasunod ng pagtaob ng kanilang bangka sa karagatang sakop ng Barangay Manocmanoc, Boracay.
Kinumpirma ni Lt. Commander Marlowe Acevedo ng PCG-Aklan, walang koordinasyon sa kanila ang pagsasagawa ng practice ng naturang dragon boat team dahilan na hindi nabigyan ng professional judgement o assessment.
Sinabi pa nito na nananatiling pito ang nasawi sa trahedya at 14 ang nakaligtas , kung saan, isa dito si Von Navarosa na nasa stable condition na matapos mailabas sa Intensive Care Unit (ICU) ng St. Gabriel Medical Center sa bayan ng Kalibo.
Si Navarosa ay anak ni Libacao Mayor Charito Navarosa na tumatayong coach ng team.
Sa imbestigasyon ng PCG, habang papuntang front beach ang 21 paddlers mula sa backbeach sa Barangay Bulabog ay hinampas ng malalaking alon ang kanilang bangka pagdating nila sa Sitio Tulubhan.
Dahil dito, pinasok ng tubig ang kanilang bangka at lumubog.
Kumapit umano ang mga paddlers, pero dahil sa lakas ng alon ay nagpa-ikot-ikot ang kanilang bangka hanggang sa nakabitaw sila.
Sinasabing isa sa mga paddlers ang hindi marunong lumangoy at lahat sila ay walang suot na life vest.
Nakalangoy sa tabing dagat ang iba lalo na sa Lingganay Resort at nagtulungan upang makaligtas.
Dalawa sa 14 na nakaligtas ay kapwa dayuhan.
Ayon kay Lt. Commander Acevedo na nakabalik na sa kani-kanilang pamilya ang mga nakaligtas maliban sa isa na nasa pagamutan pa.