Sasailalim na umano sa restoration ang van ng Aviation Security Command na nagbitbit kay dating Sen. Ninoy Aquino matapos itong mapaslang sa tarmac ng Manila International Airport noong Agosto 21, 1983.
Sa social media post ng historian na si Ambeth Ocampo, ibabalik sa dating kondisyon ang makasaysayang Avsecom van bago ito i-display sa Freedom Memorial Museum sa Quezon City.
Ipinakita rin ni Ocampo ang hindi magandang kondisyon ng nasabing van, na maliban sa sira-sira ay naging biktima rin ng bandalismo.
“Now a wreck with graffiti, the now iconic Avsecom van where it is believed Ninoy Aquino died on August 21,1983 awaits restoration before display in the Human Rights Museum,” wika ni Ocampo.
“It is believed that Ninoy was still alive when taken in the van but he was not taken directly to a nearby hospital where his life could have been saved. That van witnessed it all but cannot speak,” dagdag nito.
Ayon pa kay Ocampo, naging mitsa ang pagkakapaslang kay Aquino sa pagkadismaya ng mga Pilipino na nauwi sa EDSA Revolution at pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos makalipas ang tatlong taon.
Guginitan bukas ang ika-36 anibersaryo ng kanyang kamatayan na isang non-working holiday.