-- Advertisements --

Ipagpapaliban daw muna ng bansa ang pagsisimula ng clinical trials sa Japanese drug na Avigan sa August 10, bilang posibleng gamot laban sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, pumasa na sa ethics board at Food and Drug Administration ang naturang gamot. Pero mga legal documents pang isinasapinal bago simulan ang trial.

“Inaayos na lang namin ang final arrangements, legal documents and all, and we are set to start soon.”

“Yung una sabi namin August 10 tayo mag-start pero hindi pa nafa-finalize yung legal documents, so we just want to inform everybody kapag talagang final na kung talaga mag-uumpisa tayo.”

Galing sa donasyon ng pamahalaan ng Japan ang Avigan drugs na natanggap na ng Department of Health (DOH). Ang naturang batch ng gamot na ipinadala ng dayuhang bansa ay maaari raw gamitin sa 100 pasyente.

Ang gamot na favipiravir o mas kilala sa brand name na Avigan ay orihinal na dinisenyo bilang antiviral medicine sa gamot na influenza.

Isa lang ito sa mga gamot na pinag-aaralan ng mga eksperto sa buong mundo bilang posibleng lunas sa COVID-19.