(Update) CENTRAL MINDANAO – Away politika ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pagpapasabog sa sasakyan ng isang alkalde sa lalawigan ng Maguindanao.
Una nang sumabog ang isang malakas na uri ng improvised explosive device (IED) sa likod ng municipal hall ng South Upi, Maguindanao.
Dahil sa lakas nang pagsabog tinamaan ang papasok na sasakyan ni South Upi Mayor Reynalbert Insular sa likod ng munisipyo.
Sinasabing bumaba si Mayor Insular sa kanyang sasakyan at nagpahinga muna sa kanyang tahanan dahil kararating lamang nito mula sa Cotabato City.
Wala namang nasugatan sa pagsabog kabilang ang driver ng alkalde ngunit nagdulot ito ng takot sa mga sibilyan at mga kawani ng LGU-South Upi.
Maliban sa anggulong politika may ibang motibo pa na iniimbestigahan ang pulisya sa pagpapasabog na posibling kagagawan ng ilang mga armadong grupo o kaya mga terorista.
Sinabi na rin ni Mayor Insular na wala umano siyang kalaban sa bayan ng South Upi.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagsabog.