-- Advertisements --

CEBU CITY – Kapwa magdedemanda sa isa’t isa ang traffic marshall at motorista na nagsuntukan sa gitna ng kalsada dahil lang sa away sa batas trapiko.

Naganap ang palitan ng suntok sa harap ng IT Business Park sa Salinas Drive, Cebu City.

Kinilala ang traffic marshall na si Waren Aballa ng Barangay Apas, Cebu, at ang motorista na si Florito Sipalay galing sa bayan ng San Remegio, Cebu.

Naging viral o usap-usapan sa social media ang dalawa kung saan suot pa ang kani-kanilang helmet, matapos kumalat ang video na kuha ng isang concerned citizen habang naka-stop pa ang traffic signal.

Dalawang iba pang motorista at mga traffic enforcer naman ang umawat sa insidente.

Kaagad din nagpa-blotter report ang dalawa sa Mabolo Police Station.

Ayon kay Police Staff Sergeant Roy Bacus, inisyuhan ng ticket citation ni Aballa si Sipalay dahil sa “obstruction” sa trapiko.

Subalit iginiit ni Sipalay na hinabol ito ng nasabing traffic marshall, bagay na inalmahan ni Abala dahil walang rason para manghabol kung tapos na ang pag-isyu sa ticket.

Samantala, binalaan ng mga otoridad ang publiko at mga motorista na maging kalmado at ‘wag pairalin ang init ng ulo sa pagmamaneho.