BACOLOD CITY – Patay ang AWOL na pulis na sakay sa motorsiklo makaraang bumangga sa kasalubong na tricycle sa Alijis Road, Bangga Lotte, Barangay Alijis, Bacolod City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay PLt. Conrado Espino Jr., commander ng Bacolod Police Station 7, pauwi na sana ang biktima na si Aris John Elmission, 29, residente ng Bakyas Encarnacion, Barangay Mansilingan mula sa isang memorial cemetery sa Barangay Alijis nang mangyari ang aksidente.
Ayon kay Espino, nag-overtake ang dating pulis sa isang SUV ngunit dahil ito ay nakainom ng alak, hindi nito napansin ang kasalubong na tricycle na minamaneho ni Jerome Brose, 26, ng Hda. Edmar, Barangay Felisa sa Bacolod kaya’t kanyang nabangga.
Dahil sa lakas ng impact, nahulog ang biktima sa kanyang motorsiklo at nagtamo ng malaking sugat na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ang biktima ay assigned noon sa isang police station sa Negros Occidental ngunit nag-apply ng trabaho sa ibang bansa kaya’t idineklarang AWOL sa serbisyo.