Hindi na umano interesado si Pangulong Rodrigo Duterte sa pulitika partikular ang pagtakbo bilang bise presidente sa 2022 national elections.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag kasunod ng panawagan at resolusyon ng kanyang partidong PDP-Laban na humihikayat sa kanya para tumakbo sa vice presidential race at siya ang pipili ng kanyang presidential candidate.
Sa panayam ni Pastor Quiboloy kagabi, nakahanda na siyang mag-retiro at uuwi na sa Davao pagkatapos ng kanyang termino sa 2022.
Ayon kay Pangulong Duterte, kapag siya kasi ang pipili ng kanyang magiging runningmate sa pagka-presidente at mananalo sila, sasabihin lalo ng mga kritiko na nais lamang nitong manatili sa kapangyarihan.
Kaya tinatanggihan daw nito ang mga panawagang tumakbo sa pagka-bise presidente at ipaubaya na lamang sa iba.
Mayroon na daw napipisil si Pangulong Duterte na papalit sa kanya at magpapatuloy ng kanyang pamana o mga nasimulan at posibleng papangalanan nito sa takdang panahon.
Inihayag ni Pangulong Duterte na ang kanyang magiging kandidato ay hindi basta-basta, bagkus may kakayahan talaga dahil hindi biro ang presidency o pagka-presidente ng bansa.
“Mahirap ‘yan pastor kasi mag-retire na ako tapos this time ako ang mamili ng presidente, pag manalo sabihin nila, ano ko lang ‘yan, perpetuate yourself in power so nagreresist ako,” ani Pangulong Duterte. “Ako naman, I am ready for retirement but if you ask what is my greatest achievement in a very humble way ako pastor I exposed the oligarchy in the Philippines. Sinasabi ko na noon sa kampanya, ang korapsyon sa Customs Customs wala ‘yan, sa taas, until pumutok itong Manila Water…”