Ayaw daw mamangka ni Senadora Imee Marcos sa dalawang ilog dahilan kung bakit siya umatras sa alyansa na ineendorso ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa pagkasenador para sa 2025 elections.
Magugunitang noong nakaraang linggo, ipinakilala ni Pangulong Marcos sa Alyansa Para Sa bagong Pilipinas convention ang senatorial slate ng administrasyon kung saan napabilang dito si Senadora Imee ngunit hindi ito nakadalo sa event.
Kilala rin si Senadora Imee bilang malapit na kaibigan ni Vice President Sara Duterte kaya kinokonsidera niya sa desisyong ito ang kanyang sitwasyon.
Bagama’t nag-withdraw si Marcos sa Senatorial slate ng administrasyon, nilinaw nito na bukas siya sakaling imbitahan siya ng pangulo na umakyat ng entablado ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas.
Nagpasalamat din siya sa kanyang kapatid dahil naiintindihan daw ng pangulo ang kanyang sitwasyon.
Sinabi pa ni Marcos, nakausap na rin daw niya ang kanyang ina hinggil sa kanyang pag-withdraw sa alyansa.
Ikinalungkot aniya ni dating First Lady Imelda Marcos ang kanyang naging desisyon.
Sa ngayon, kinukumpleto pa raw niya ang kanyang mga dokumento para sa paghahain niya ng kanyang kandidatura sa pagkasenador sa 2025 elections.
Hinihintay lang din niya aniya ang desisyon ng Nacionalista party sa paghahain ng COC dahil hindi naman daw siya nag-resign sa partido.